RODRIGUEZ, RIZAL — Arestado ang dalawang indibidwal sa isang entrapment operation ng Rodriguez Municipal Police Station matapos umano’y magbanta na ilalabas ang nude photo at video ng biktima kapalit ng P5,000.
Kinilala ang nadakip na suspek na sina alyas Jason at alyas Irah Mae kapwa residente ng Phase-1D, Kasiglahan Village ng nabanggit na bayan.
Ayon sa ulat, dakong alas-2:30 ng hapon, Nobyembre 18, 2025, nakatanggap ang biktima ng tawag mula kay Jason na humihingi ng naturang halaga kapalit ng hindi pagpo-post at pagbubura ng sensitibong video.
Agad naman itong ini-report ng biktima sa pulisya.
Bandang 6:40 ng gabi, ikinasa ang operasyon sa isang sari-sari store sa likod ng Primark Kasiglahan, Phase-1B, Kasiglahan Village, Brgy. San Jose, na nagresulta sa pagkakahuli ng dalawang suspek sa pangunguna ng intel operatives na sina PCpl Anthony Dick Arado at Pat David Natividad Jr.
Narekober mula sa mga susoek ang limang pirasong tig-P1,000 marked money at isang Vivo mobile phone.
Kaagad binasahan ng Miranda rights ang mga suspek at dinala sa Casimiro Ynares Memorial Hospital para sa medical examination bago isinailalim sa dokumentasyon sa Rodriguez Police Station.
Kasalukuyang inihahanda ang mga kaukulang dokumento para sa inquest proceedings hinggil sa kasong robbery-extortion.
Ipinapaalala ng pulisya sa publiko na agad mag-report ng ganitong uri ng panghaharas at huwag kailanman magbigay ng pera o sumunod sa anumang uri ng sextortion. (Arnold Pajaron Jr)
