Patay ang isang lalaki matapos masagasaan ng isang 12-wheeler dump truck sa Don Mariano Avenue, Brgy. San Jose, Rodriguez, Rizal, dakong 11:00 PM, Nobyembre 18, 2025.
Ayon sa Rodriguez Municipal Police Station (MPS), nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang concerned citizen tungkol sa naganap na road crash.
Nabatid na ang motorsiklo ng biktima ay nabangga at pumailalim sa gulong ng dump truck, na agad ikinasawi ng driver ng motorsiklo.
Kinilala ang biktima na si Gilbert, residente ng Phase 1E, Kasiglahan Village. Siya ang nagmamaneho ng Rusi RFI 175 (plate number 591QYK) nang mangyari ang insidente.
Samantala, ang driver ng dump truck na may plate number NGS 1610 ay agad na tumakas matapos ang insidente at huling nakitang patungong crossing.
Hindi pa rin ito nakikilala hanggang sa ngayon. (Arnold Pajaron Jr)
