Nagkaroon ng tensyon sa Bagumbong National High School sa Brgy. Bagumbong, Jalajala, Rizal matapos makatanggap ng bomb threat ang school administration bandang 4:30 PM, Nobyembre 18, 2025. Nai-report ito sa Investigation Section ng Jalajala MPS bandang 5:00 PM.
Ayon sa imbestigasyon, natuklasan ng IT administrator ng paaralan ang isang nakapost na mensahe sa group chat mula sa account na gumagamit ng pangalang “Gutierrez Marcky.” Ang mensahe ay nagsasaad:
“Hello. Panatilihing ligtas ang mga bata sa Bagumbonians dahil naiwan KAMING Black Bomb sa may likod ng area ninyo. Mas mabuting huwag munang papasukin ang mga bata upang panatilihin ang kanilang kaligtasan.”
Agad na ipinagbigay-alam ng mga complainant sa punong-guro na si Lilia Tibay, na kaagad namang humingi ng tulong sa Jalajala Municipal Police Station.
Humingi ng tulong ang pulisya sa Explosive Ordnance Disposal and Canine Unit na pinamunuan ni PLT Rudy O. Saballero. Bandang 7:30 PM, nagsagawa ng paneling at inspeksyon sa paligid ng paaralan.
Pagsapit ng 8:00 PM, idinaklarang cleared ang campus dahil walang narekober na anumang pampasabog.
Humingi rin ng tulong sa Rizal Anti-Cybercrime Unit upang siyasatin ang messenger account ng suspek para sa posible nitong pagkakakilanlan.
Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang nasa likod ng pananakot. Inalerto naman ang publiko na seryosong parusa ang kaakibat ng ganitong uring banta na nagdudulot ng pangamba sa komunidad at paaralan.
