Muling tiniyak ng League of Cities of the Philippines (LCP) ang kanilang buong suporta sa pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., matapos maglabas ng opisyal na pahayag na nagpapatibay sa kanilang pagtitiwala sa liderato ng Chief Executive.
Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, national president ng LCP, si Marcos Jr. ay ang “duly constitutionally elected President” at nararapat lamang suportahan sa kanyang mga programa para sa pagpapalakas ng lokal na pamahalaan at pag-unlad ng bansa.
Binanggit ng liga na nakahanay sila sa layunin ng Pangulo na higit pang paunlarin ang public infrastructure, edukasyon, at serbisyong pangkalusugan, kasabay ng mas mahigpit na pagpapatupad ng transparency at accountability sa pamahalaan.
Dagdag pa ng alkalde, nananatili silang tapat sa kanilang mandato na maglingkod sa taumbayan at magpatupad ng mga programang magtataas ng kalidad ng pamumuhay ng bawat Pilipino.
Nangako rin silang iuugnay ang kanilang mga inisyatiba sa mga programa ng administrasyon upang makamit ang isang just, progressive, and resilient nation.
Ang pahayag ay bahagi ng patuloy na pakikipag-ugnayan ng mga lungsod sa pambansang pamahalaan upang matiyak ang maayos at koordinadong pag-unlad sa buong bansa. (Arnold Pajaron Jr)
