Nanindigan ang dating Political Affairs Secretary ni Pangulong Rodrigo Duterte at dating Negros Oriental Rep. Jacinto “Jing” Paras na illegal umano ang pagkakatatag ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa Kapihan sa Manila Bay, iginiit ni Paras na nilalabag ng ICI ang umiiral na batas, partikular ang mga probisyon laban sa malversation of public funds.
Ayon sa kanya, wala sa 2025 General Appropriations Act ang aniya’y “milyun-milyong pondo” para sa operasyon ng ICI, kaya’t hindi ito dapat ginagastusan mula sa kaban ng bayan.
Dagdag pa ni Paras, tila dinu-duplicate lang umano ng ICI ang mandato ng Office of the Ombudsman na siyang pangunahing nagsisiyasat sa mga kaso ng korapsiyon.
Ipinaliwanag niyang kahit tapusin ng ICI ang pagdinig at pangangalap ng ebidensiya, ang findings nito ay isusumite pa rin sa Ombudsman, na muling magsasagawa ng sariling pagdinig.
Binabala rin ni Paras na maaaring maimpluwensiyahan ang ICI dahil ang Pangulo mismo ang lumikha nito. Aniya, nagiging “kaduda-duda” ang anumang kasong isasampa ng komisyon kung kailangan nitong irekonsulta sa Malacañang ang resulta ng kanilang imbestigasyon.
Ibinulgar din ni Paras na naghain na sila ng petisyon sa Korte Suprema para kuwestiyunin ang legalidad ng ICI.
Sa ngayon, tatlong magkakahiwalay na petisyon na ang nakabimbin sa Supreme Court, at hinihintay na lang nila ang magiging desisyon ng Kataas-taasang Hukuman. (Mina Paderna)
