Larawan mula sa rcam.org
Nanawagan si Antipolo Bishop Ruperto Santos para sa mas mahinahong pag-uusap at masusing pagsunod sa moralidad sa gitna ng umiinit na iringan sa pagitan ni Senadora Imee Marcos at ng kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kasama ang First Lady Liza Araneta-Marcos.
Gamit ang sipi mula sa Bibliya, “Now if your brother sins, correct him first in private…” (Matthew 18:15), iginiit ng Obispo na dapat munang idaan sa pribadong paraan ang anumang puna o pagwawasto, lalo na kung ito ay laban sa sariling kapamilya at pinuno ng bansa.
Ayon kay Bishop Santos, bagama’t may karapatan ang publiko na malaman ang kalusugan at kapasidad ng kanilang mga lider, mali umano ang paraan ng Senadora na maghain ng paratang sa publiko nang walang malinaw na ebidensya at labas sa wastong forum.
“Ang ganitong hakbang ay hindi lamang lumalabag sa tamang proseso; nakasisira rin ito sa dignidad ng lahat ng sangkot,” aniya.
Binanggit din ng Obispo na mahalaga ang transparency sa pamahalaan, ngunit dapat isaalang-alang kung tama ang paraan, lugar at oras ng paglalabas ng mensahe. “Kung ito ay tunay na mula sa malasakit at pagmamahal — bakit ngayon lang, at bakit sa ganitong paraan?” tanong niya.
Dagdag pa ni Santos, dapat ang pinakahuling opsyon ang publikong pag-akusa, lalo na kung nagmumukha itong palabas at hindi taos-pusong panawagan para sa pagbabago.
Kung may katotohanan ang paratang, hinimok niya ang panig na magsikap para sa conversion, healing, at holiness. Nanawagan din ang Obispo para sa mga lider na may kakayahan, dangal at moralidad—mga haliging kailangan ng bansa sa panahong ito.
“Hindi ito basta isyung politikal—ito ay isyung moral,” diin ni Santos. “Ang bayan ay nanonood. Ang kabataan ay nakikinig. Anong halimbawa ang ating ipinapakita?”
Hinimok niya ang sambayanang Pilipino na piliin ang landas ng konsensya, pagpapatawad, at pagbabago. (ARSENIO TAN)
