
NASABAT ang mahigit P400K halaga ng shabu sa isang tulak ng droga na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) nang kumagat sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, Lunes ng gabi.
Kinilala ni Valenzuela Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) OIC chief P/Lt. Sherwin Dascil ang naarestong suspek na si alyas “Jeff”, 43, residente ng Brgy., Gen T De Leon ng lungsod.
Sa kanyang report kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, sinabi ni Lt. Dascil na dakong alas-11:00 ng gabi nang maaresto nila ang suspek sa Que Balag Street, Brgy. Ugong.
Nakumpiska nila sa suspek ang humigi’t kumulang 60 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P408,000, buy bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at pitong P1000 boodle money, coin at P600 cash.
Ayon kay Lt. Dascil, bago ang pagkakaaresto kay alyas Jeff ay nakatanggap na sila ng impormasyon hinggil sa umano’y ilegal drug activities nito kaya agad siyang bumuo ng team bago ikinasa ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA.
Nang matanggap umano ang signal mula sa kanyang kasama na umaktong poseur buyer na hudyat na positibo na ang transaksyon, agad lumapit ang back up na operatiba saka inaresto ang suspek.
Sasampahan ng pulis ang suspek ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Valenzuela City Prosecutors Office. (JUVY LUCERO)
