Mas palalakasin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa ilalim ng gabay ni DOTr Acting Secretary Giovanni Z. Lopez ang kanilang operasyon laban sa lumalalang paglabag sa Transport Network Vehicle Service (TNVS), matapos nitong ianunsyo ang mas malawak na deployment ng mystery riders sa buong bansa.
Sa isang pulong kasama ang mga kinatawan ng Transport Network Companies (TNCs), personal na binalaan ni LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II ang mga kumpanya hinggil sa matitinding parusa kapag napatunayang may kasabwat o nagpabaya sa mga paglabag ng kanilang mga partner-drivers.
“We investigated based on the complaints we have received and monitored from social media. And we were able to confirm violations through our mystery riders — including operating without franchise and provisional authority,” ayon kay Mendoza.
Isa sa pinakamabigat na isyu ay ang tinaguriang ‘tempo’ modus, kung saan umano’y may TNVS drivers na nabibigyan ng pansamantalang permiso kapalit ng sinasabing regular na bayad.
Mas ikinabahala pa na isinama pa ng ilang TNC ang mga iligal na unit sa kanilang service apps, kahit walang provisional authority mula sa LTFRB.
Kinumpirma ng mga mystery riders na ang modus ay talagang nangyayari, dahilan para harapin ni Mendoza ang TNC representatives.
“How can these units be included in your apps when they do not even have a provisional authority from the LTFRB? This is wrong and this must be corrected,” giit ng Chairperson.
Nangako ang TNC representatives na makikipagtulungan sa LTFRB, kabilang ang pag-aralan ang panukalang direct system link upang agad na makita kung ang isang TNVS unit ay may pahintulot mag-operate.
Kapalit nito, tiniyak ni Mendoza na bibilis ang proseso ng mga matagal nang nakabinbing franchise applications.
Tiniyak din ng LTFRB Chairperson na kanyang wawakasan ang pag-issue ng temporary permits, na aniya’y matagal nang pinagmumulan ng alegasyon ng korapsyon sa ahensya.
“If you go to my office in the morning, I will make sure your concerns are addressed in the afternoon. If not, I will tell you why,” ani Mendoza.
“In return, I expect you to tell me the truth. Do not violate our rules. Otherwise, I will cancel everything.”
Giit ni Mendoza, ang crackdown ay para sa level playing field sa lahat ng transport operators — jeepneys, buses, taxis — na sumusunod sa requirements at nagsisikap iwasan ang colorum operations.
Sa mas pinaigting na mystery rider operations, umaasa ang LTFRB na mapuputol ang mga iligal na gawain at masisiguro ang ligtas, legal, at patas na TNVS system para sa publiko. (Mina Paderna)
