Lalong uminit ang kontrobersiya laban kay Senador Jinggoy Estrada matapos magbanta ang dating matinee idol na si Robby Tarroza na ilalantad umano niya ang “double life” ng mambabatas kung hindi ito magbibitiw sa puwesto.
Sa isang post sa kanyang Facebook account, sinabi ni Tarroza na si Estrada umano ang isa sa mga dahilan ng paghihiwalay nila ng dati niyang longtime partner na si Joed Serrano, negosyante at dating miyembro ng That’s Entertainment.
“Jinggoy mag-resign ka na!!! Kundi I will be forced to tell the country about your double life!!! You are one of the reasons bat kami naghiwalay. I have ALL the receipts dear. Try me!” ani Tarroza sa kanyang post, kalakip ang matapang na pahayag na “pareho lang kayo ng ex ko… BABOY!!”
Sa comment section, idinagdag pa ng dating aktor na nagkaroon umano ng ugnayan sina Estrada at Serrano noong 2004 presidential campaign ng yumaong si Fernando Poe Jr., matalik na kaibigan ng dating Pangulong Joseph Estrada.
Kasabay nito, humaharap si Jinggoy sa mabibigat na alegasyon ng pagsawsaw sa flood control funds matapos akusahan ng dating DPWH engineer na si Brice Hernandez na umano’y kumubra ito ng 30% “SOP” o kickback mula sa mga proyekto sa Bulacan na nagkakahalaga ng P355 milyon.
Mariing itinanggi ni Estrada ang paratang at hinamon ang kanyang dating hepe na si Henry Alcantara na sumailalim sa lie detector test.
Hanggang sa ngayon ay wala pang tugon si Estrada sa mga bagong akusasyong inihayag ni Tarroza, na naglalantad habang patuloy na umiigting ang imbestigasyon sa mga kuwestiyonableng kontrata ng imprastruktura.
