Mulî na namang nagbukas ng kanyang damdamin si comedienne at dating host na si Tuesday Vargas nang mag-post siya ng isang video sa TikTok na nagpapakita ng kanyang pag-iyak at pagharap sa madilim na panahonm, bilang paghahandog sa Suicide Prevention Month ngayong Setyembre.
Sa video na inilabas niya kahapon, Setyembre 12, makikitang nag-breakdown si Vargas habang tumutugtog ang mensaheng nagpaalala tungkol sa Suicide Prevention Month.
Inamin niya na may mga panahong “sobra nang lapit” siya sa pag-iisip na wakasan ang lahat, ngunit iginiit din niya na “mabait ang Panginoon” at hindi siya pinayagang tuluyang mawala.
“May mga panahong sobrang lapit ko na. Pero mabait ang Panginoon. Hindi niya ako hinayaang matuloy na mawala,” aniya sa caption ng video, at nanawagan sa kanyang mga tagasubaybay: “Please check on your friends. Even the ones who are smiling all the time. Life is hard enough as it is; be someone’s safe space if you can.”
Nagbahagi din si Vargas ng panibagong video na kuha sa dalampasigan, na sinabi niyang dapat ay iyon na ang kanyang “last day.”
“This was supposed to be my last day ever. But the sky opened up, and I think the Lord said to me, ‘this world is a better place with you in it,’” ayon sa caption.
Idinagdag niya na naiyak niya nang todo at napagtanto na hindi pa kanyang oras, na may misyon pa raw ang Panginoon para sa kanya.
Noong nakaraang buwan, nagsalita si Vargas tungkol sa mga karanasang may kaugnayan sa abuso, autism, at kanyang mental health.
Kamakailan lang ay nagbitiw siya bilang main host ng GMA podcast na YouLOL: Your Honor, at pinalitan siya ni Chariz Solomon. Sinabi niyang ang dahilan ng pag-alis ay ang kanyang mga isyung pangkalusugan ng isip.
Sa kanyang pagbabahagi, pinaalalahanan ni Tuesday Vargas ang publiko na maging mapagmalasakit sa mga kaibigan at kapamilya, lalo na sa mga palaging nagpapanggap na masaya.
Hinimok niya ang mga nakakarinig na magbigay ng espasyo at suporta sa mga nangangailangan.
Kung ikaw o ang kakilala mo ay nasa panganib o nag-iisip ng pagpapakamatay, mahalagang humingi ng agarang tulong, makipag-ugnayan sa mga pinagkakatiwalaang kaibigan o pamilya, magtanong sa isang mental health professional, o lumapit sa lokal na serbisyong pang-emergency.
Maaari ring maghanap ng mga local crisis hotlines tulad ng National Center for Mental Health (NCMH) at mga lokal na suicide prevention services para sa agarang suporta.
