Nagdesisyon nang tapusin ang bangayan sa social media sina Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon at Sen. Jinggoy Estrada matapos nilang burahin ang kani-kanilang mga posts laban sa isa’t isa.
Sa panayam sa Headstart, kinumpirma ni Ridon na pareho nilang dinelete ang mga post bilang hakbang para “mag-move on” at tutukan na lamang ang mas mahahalagang isyu sa paglilingkod bayan.
“I think as of last night, Sen. Jinggoy has already taken down his post, and I have taken down my post as well… we just decided to just finish the problem and move on to more important things to serve the nation,” ani Ridon.
Nilinaw rin ng kongresista na wala silang personal na pag-uusap ni Estrada ngunit nagpapasalamat siya sa senador sa pagtanggal ng kontrobersyal na post.
Matatandaang noong Miyerkules, nag-post si Estrada ng yearbook photo ni Ridon at dating DPWH engineer Brice Hernandez kasama ang kanilang personal na impormasyon.
Dahil dito, kinuwestiyon ni Ridon ang National Privacy Commission (NPC) kung may paglabag si Estrada sa Data Privacy Act.
Gayunman, matapos ang maikling palitan, parehong pumayag ang dalawang opisyal na burahin na lamang ang mga post at tapusin ang usapin.
