Itinalaga na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang dalawang pangunahing miyembro ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na siyang magsisiyasat sa mga flood control at iba pang proyekto ng imprastruktura sa nakalipas na sampung taon.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro nitong Sabado, Setyembre 13, kabilang sa mga bagong miyembro ang dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Rogelio “Babes” Singson at accountant na si Rossana Fajardo. Itinalaga rin si Baguio City Mayor Benjamin Magalong bilang special adviser at investigator ng komisyon.
Ani Castro, inaasahang si Marcos mismo ang mag-aanunsyo ng chairperson ng komisyon “sa mga darating na araw.”
Nilagdaan ng Pangulo ang Executive Order No. 94 noong Setyembre 11 para buuin ang ICI, na binubuo ng mga taong may “proven competence, integrity, probity, and independence.”
Binigyang-diin ng Palasyo ang lawak ng karanasan ni Singson sa pagpapatupad ng mga proyekto ng gobyerno. Bilang kalihim ng DPWH sa ilalim ng administrasyong Aquino, siya umano ang nanguna sa malawakang reporma upang labanan ang ghost projects at tiyakin ang tamang paggamit ng pondo.
Samantala, si Fajardo ay managing partner ng auditing firm na SGV & Company at may higit tatlong dekadang karanasan sa auditing, risk management, at fraud detection. Malaking tulong umano ang kanyang financial expertise sa pagtunton ng iregularidad at anomalya sa paggamit ng pondo ng bayan.
Nilinaw ng Palasyo na bagama’t si Magalong ay kasalukuyang halal na opisyal, hindi siya regular na miyembro ng komisyon kundi isang special adviser.
Bago naging alkalde ng Baguio, nagsilbi si Magalong bilang Deputy Director General ng Philippine National Police at dating hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG). Isa rin siya sa nanguna sa imbestigasyon sa trahedyang Mamasapano noong 2015 na ikinasawi ng 44 Special Action Force troopers.
Noong Agosto, nagsumite si Magalong ng ulat kay Marcos hinggil sa umano’y iregularidad sa mga proyekto ng flood control sa Baguio at Benguet.
Dagdag ni Castro, magsisimula agad ang trabaho ng komisyon.
Bahagi ng mandato ng ICI ang pagbusisi sa ghost projects, substandard works, at paglalantad ng anomalya hindi lamang sa kasalukuyang administrasyon, kundi maging noong panahon nina dating Pangulong Benigno Aquino III at Rodrigo Duterte.
