SA selda ang bagsak ng 35-anyos na lalaki na wanted sa kaso ng pang-aabuso sa isang menor-de-edad nang madakip ng mga tauhan ng Valenzuela City Police sa manhunt operation sa Balud, Masbate.
Nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Valenzuela Police Acting Chief P/Col. Joseph Talento na nagtatago sa lalawigan ng Masbate ang akusadong si alyas “Tony”.
Ayon kay Col. Talento, ang akusado ay nakatala bilang No. 6 sa Ten Top Most Wanted Person sa Northern Police District (NPD) at No. 7 TTMWP naman sa Valenzuela City Police.
Agad bumuo ng team si Col. Talento mula sa mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) at Warrant and Subpoena Section (WSS) para tugisin ang akusado.
Nakipag-ugnayan ang mga tauhan ni Col. Talento sa Mandaon MPS bago ikinasa ang operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong alas-3-15 ng hapon sa Brgy., Sampad, Balud, Masbate. Hindi naman pumalag ang akusado nang isilbi sa kanya ang warrant of arrest na inisyu ng Presiding Judge ng RTC Branch 172, Valenzuela City, para Lascivious Conduct and Section 5(b) of Republic Act 7610 – Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, at Discrimination Act (4 counts) na may inirekomendang piyansa na kabuuang halaga na P760,000.00. (JUVY LUCERO)
