
Kumpirmadong tinanggap na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagbibitiw ni Senior Undersecretary Analisa “Ana” Puod mula sa Presidential Communications Office (PCO), sa gitna ng mga ulat ng tensyon sa loob ng pamunuan ng ahensiya.
Ang balita ay kinumpirma ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro sa isang press briefing nitong Biyernes, Hulyo 4.
“Mayroon po tayong update: Tinanggap na po ang resignation ni Miss Ana Puod,” ani Castro sa mga mamamahayag.
Una nang inanunsyo ni Castro noong Hunyo 17 ang desisyon ni Puod na bumaba sa puwesto.
Ayon kay Puod, ang kanyang pagbibitiw ay bunsod ng isang “untenable condition” o hindi na matatagalan pang sitwasyon sa ilalim ng kasalukuyang pamunuan ng PCO. Gayunman, hindi na niya idinetalye ang eksaktong mga dahilan.
Sa kabila ng kanyang pag-alis, nagpaabot si Puod ng pasasalamat kay Pangulong Marcos para sa tiwala at pagkakataong makapagsilbi sa administrasyon.
Wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang PCO ukol sa magiging kapalit ni Puod sa nasabing posisyon.
