
Valenzuela City – Isang hinihinalang High-Value Individual (HVI) at tulak ng ilegal na droga ang naaresto ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela City Police Station sa isinagawang buy-bust operation nitong Hulyo 3, 2025 bandang 10:30 ng gabi sa Brgy. Karuhatan.
Kinilala ang suspek sa alyas na “James,” 41 taong gulang, walang trabaho, at residente ng Brgy. Ugong, Valenzuela. Nahuli siyang aktong nagbebenta ng isang (1) sachet ng hinihinalang shabu sa isang poseur buyer na pulis. Pagkaraan ng pagkakaaresto, narekober mula sa kanya ang karagdagang dalawang (2) sachet ng hinihinalang shabu, buy-bust money, boodle money, isang coin pouch, at isang itim na Nokia keypad cellphone.
Isinagawa ang operasyon sa ilalim ng pamumuno ni PCOL Gerson S. Bisayas, Officer-in-Charge ng Valenzuela City Police Station, sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at gamit ang body-worn cameras bilang bahagi ng transparency protocol.
Ang inisyal na pagsusuri sa nasabat na droga ay tinatayang may kabuuang bigat na 72 gramo ng hinihinalang shabu, na may halagang Php 489,600.00 batay sa Standard Drug Price (SDP).
Nakahanda na ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa suspek para sa paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, sa pamamagitan ng inquest proceedings sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.
Pinuri naman ni PBGen Arnold E. Abad, Acting District Director ng Northern Police District (NPD), ang mabilis at maayos na operasyon. “Ang dedikasyon at propesyonalismo ng ating mga tauhan ay patunay ng matatag nating paninindigan para sa katarungan at kaligtasan ng mamamayan,” aniya.
Ang tagumpay na ito ay bahagi ng tuluy-tuloy na kampanya ng Valenzuela City Police at ng buong NPD sa laban kontra ilegal na droga, bilang suporta sa layunin ng pamahalaan tungo sa isang drug-free Philippines.
