
Bibisita sa kauna-unahang pagkakataon sa Pilipinas si Ja Morant, star guard ng Memphis Grizzlies, sa darating na Agosto 2 bilang bahagi ng huling yugto ng kanyang “Make Them Watch” global tour sa pakikipagtulungan sa sports apparel giant na Nike.
Sa kanyang unang international tour bilang Nike signature athlete, layunin ni Morant na makipag-ugnayan sa mga Filipino fans, ibahagi ang kanyang mga karanasan sa NBA, at hikayatin ang kabataang atleta na paghusayin ang kanilang laro. Kabilang sa aktibidad ang live workout session kasama ang mga piling high school players at isang exhibition game.
“Ang basketball ay tungkol sa sipag at pagkamalikhain — paglaan ng oras sa ensayo pero may sariling istilo sa paglalaro,” ani Morant, na ginawaran ng NBA Rookie of the Year noong 2020 at Most Improved Player noong 2022.
“Excited akong makasama ang mga kabataang manlalaro at maibahagi ang bahagi ng aking paglalakbay sa kanila,” dagdag pa niya.
Ang world tour ni Morant ay nagsimula ngayong Hulyo sa New York, at susundan ng mga stop sa China, Tokyo, at Manila.
Bilang bahagi ng kanyang pagbisita, nais din ni Morant na masilayan kung paano nilalaro ang basketball sa lokal na komunidad, at matuto sa iba’t ibang kultura gamit ang isport bilang tulay.
“Gusto ko ring makita kung paano ang laro sa kani-kanilang komunidad. Iba ang karanasang matuto ng bagong kultura sa pamamagitan ng basketball at sobrang excited ako para rito,” pahayag ni Morant.
Ang pagbisita ni Morant ay inaasahang magbibigay inspirasyon sa mga batang atleta sa bansa at lalong magpapatibay sa ugnayan ng Philippine basketball community sa pandaigdigang entablado. (RON TOLENTINO)
