Nanatiling prayoridad ng administrasyong Marcos ang kaligtasan ng mga Pilipino sa gitna ng tensyon sa Middle East matapos iutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapatuloy ng mga government-arranged repatriation flights.
Ayon kay Executive Secretary Ralph G. Recto, malinaw ang instruksyon ng Pangulo na panatilihin ang “humanitarian airlift” o ang tinatawag na Air DMW sa ilalim ni Secretary Hans Leo Cacdac upang masiguro ang mabilis na pag-uwi ng mga kababayan nating apektado ng gulo sa rehiyon.
Sa kasalukuyan, mahigit 1,100 Pilipino na ang nakasakay sa mga chartered flights ng Department of Migrant Workers (DMW). Hindi lamang ito simpleng pag-uwi, kundi nagsisilbi ring medical evacuation para sa mga maysakit nating kababayan, kabilang ang isang stroke victim na kamakailan ay ligtas na naisakay sa eroplano.
Gagamitin ang P2 bilyong AKSYON fund ng DMW upang tustusan ang mga operasyong ito sa Israel, Kuwait, at Bahrain. Binigyang-diin ni Recto na bagama’t magastos ang mga “mercy flights,” may sapat na pondo ang pamahalaan upang ituloy ang serbisyo.
Kasama sa tulong na ibinibigay ng gobyerno ang libreng pagkain at transportasyon; pansamantalang matutuluyan (accommodation); at Psychosocial counseling at medical services.
Upang matulungan ang mga repatriated OFWs na makapagsimula muli, isasailalim sila sa mga programa para sa domestic careers. Ayon kay Recto, ang kanilang world-class skills ay malaking tulong sa teknikal na pangangailangan ng industriya at gobyerno.
Sa katunayan, mayroon nang kasunduan ang DMW at Department of Education (DepEd) upang mabigyan ng trabaho bilang mga public school teachers ang mga kwalipikadong OFW na nagbalik-bayan.
Inaasahan ang susunod na chartered flight para sa mga Pinoy mula sa Saudi Arabia at Bahrain bago matapos ang buwang ito.
