Pormal nang nagpulong si Mayor Joy Belmonte at ang mga matataas na opisyal ng University of the Philippines (UP) upang latagan ng plano ang susunod na mga hakbang para sa itatayong Philippine General Hospital (PGH) Diliman.
Layunin ng nasabing proyekto na mas mapalawak ang access ng mga residente at karatig-lugar sa de-kalidad ngunit abot-kayang serbisyong medikal.
Sa naturang meeting, tinalakay ang mga teknikal na aspeto at ang magiging papel ng bawat panig sa ilalim ng isang masiglang kolaborasyon.
Dumalo sa mahalagang diskusyon sina (mula sa UP) Vice President for Development Daniel Peckley Jr., UP-PGH Director Dr. Gerardo “Gap” D. Legaspi, at Assistant VP for Land Use Planning Karen Ann Jago-on.
Mula sa QC Government naman ay sina Planning and Development OIC Dr. Jed Gomez, QC General Hospital Director Dr. Josephine Sabando, Health Department Head Dr. Ramona Abarquez, at Housing OIC Atty. Jojo Conejero.
Binigyang-diin sa pulong ang kahalagahan ng pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at ng akademya upang masigurong ang itatayong pasilidad ay hindi lamang makabago, kundi akma rin sa pangangailangan ng komunidad.
Inaasahan na ang PGH Diliman ay magiging sentro ng kalinga para sa mas maraming Pilipino sa darating na mga taon.
