DALAWANG babaeng pulis ang nagsampa ng magkahiwalay na kasong kriminal laban kay Marikina City 1st District Representative Marcelino “Marcy” Teodoro, kaugnay ng umano’y rape at acts of lasciviousness, kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) nitong Huwebes, Setyembre 25.
Ayon sa DOJ, nakapaghain na ng complaint-affidavits sa National Prosecution Service ang dalawang babaeng pulis na nagsilbing close-in security ni Teodoro.
Batay sa reklamo ng isa sa kanila, naganap ang umano’y acts of lasciviousness noong unang bahagi ng kanyang assignment bilang escort ng kongresista, na maaaring masaklaw ng Article 336 ng Revised Penal Code.
Samantala, ang isa pang complainant ay nagsampa ng mas mabigat na kaso ng rape by sexual assault alinsunod sa Article 266-A (2) ng RPC, bukod pa sa acts of lasciviousness. Una umano siyang nakatalaga bilang security detail ni Marikina Mayor Maan Teodoro, ngunit kalaunan ay inilipat bilang close-in ni Rep. Teodoro.
Sa inilabas na pahayag, nilinaw ng DOJ na alinsunod sa Department Circular No. 20 (2023), daraan muna ang reklamo sa case build-up at legal evaluation upang matukoy kung may sapat na ebidensya bago isailalim sa preliminary investigation.
“This ensures that any action, if warranted, will rest on a complete and substantiated record,” ayon sa DOJ.
Mariing itinanggi naman ni Rep. Teodoro ang lahat ng alegasyon, na aniya’y walang batayan at bahagi ng isang orchestrated at politically motivated attack laban sa kanya.
“Ang mga akusasyon sa akin ay malisyoso at hindi totoo. Ang kanilang mga alegasyon ay walang sapat na basehan at gawa-gawa lamang na ang intensyon ay sirain ang aking reputasyon,” ani Teodoro.
“Mukhang politically motivated attack laban sa akin. May mga trumatrabahong pwersa. Mukhang orchestrated ang paglabas ng balita, at ang lumabas na kwento ay hindi kapanipaniwala,” dagdag pa niya.
Dagdag pa ng kongresista, hindi pa niya natatanggap ang pormal na reklamo kaya wala pa siyang buong detalye hinggil sa kaso.
“Ang isang alegasyon ay hindi maituturing na ebidensya,” diin ni Teodoro.
Bago pa ang bagong reklamong ito, nasangkot na rin si Teodoro sa iba pang kontrobersiya.
Kamakailan, idinawit siya ng mag-asawang Discaya sa umano’y extortion, bagay na tinawag ng kongresista bilang “demolition job.”
Hinarap din niya ang isyu sa kanyang certificate of candidacy dahil sa residency, pati na ang preventive suspension mula sa Office of the Ombudsman, gayundin ang alegasyon ng vote buying.
Gayunpaman, noong Hunyo, pinagtibay ng Commission on Elections (Comelec) ang kanyang pagkapanalo laban kay dating Senador Koko Pimentel matapos alisin ang suspensyon sa kanyang proklamasyon.
