UMAKYAT na sa apat ang bilang ng mga nasawi sa nangyaring pagsabog at sunog sa Marulas, Valenzuela dulot ng nakaimbak na kuwitis nitong Miyerkules ng tanghali, Setyembre 24.
Kinumpirma ni Valenzuela City Police PIO PMaj. Randy Llanderal na nadagdag sa mga namatay ang isang 2-anyos na batang lalaki at isang 13-anyos na dalagita na pumanaw habang ginagamot sa ospital.
Una nang napaulat na nasawi ang kambal na pitong taong gulang na babae matapos malapnos ang kanilang katawan sa lakas ng pagsabog sa bahay ng isang alyas “Rodjay” sa 173 Pieces St., Batimana Compound, Barangay Marulas.
Lima pa ang sugatan sa nangyaring insidente.
Ayon sa report, alas-11:33 ng umaga nagsimula ang sunog matapos ang malakas na pagsabog na yumanig sa kabahayan.
Umabot lamang sa unang alarma ang sunog at naapula sa loob ng 15 minuto, subalit apat na pamilya ang nawalan ng tirahan matapos mawasak sa lakas ng pagsabog.
Ayon sa alkalde, lumabas sa pagsisiyasat na posibeng nag-imbak ng mga kuwitis ang pamilya habang mura pa ang halaga nito para ibenta sa Bagong Taon.
“Ang masakit pa, kamag-anak ng may-ari ng bahay yung dalawang nasawi. Wala naman kasing permiso sa pag-iimbak ng pyrotechnics ang may-ari ng lalu na’t may ordinansa dito na bawal ang pag-manufacture dito sa aming lungsod ng mga paputok. Isolated case lang yan,” pahayag ni Mayor Gatchalian.
Tiniyak naman ni Mayor Wes na pananagutin nila ang may-ari ng bahay na pinagmulan ng pagsabog lalu’t may ordinansa sila na bawal ang pag-manufacture at pagbebenta ng paputok sa lungsod at hindi sila nagbibigay ng permiso sa ganitong uri ng hanapbuhay. (JUVY LUCERO/BOYET BARBA JR)
