Nagpatupad ng mas mahigpit na hakbang si Finance Secretary Ralph G. Recto upang tiyakin na hindi masasayang at mananakaw ang pondo ng bayan, partikular sa mga proyektong kontra-baha.
Sa isang pagpupulong kasama sina BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. at BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno, iniutos ni Recto ang pagpapabilis ng lifestyle checks at fraud audits na may kaugnayan sa mga flood control projects na pinopondohan ng pamahalaan.
Ayon kay Recto, tugon ito sa direktiba ng Pangulo na sugpuin ang katiwalian at matiyak na ang mga pondong nakokolekta mula sa buwis at adwana ay hindi napupunta sa bulsa ng iilan.
“Sisiguraduhin natin na ang perang pinagpaguran ng ating mga kababayan ay tunay na napapakinabangan. Poprotektahan natin ang pondo ng bayan at titiyakin na bawat pisong nakokolekta ay napupunta sa mga programa at totoong solusyon sa bawat pangangailangan ng mga Pilipino,” pahayag ng kalihim.
Dagdag pa niya, ang flood control projects ay hindi dapat gawing negosyo ng mga tiwaling opisyal o kontratista. Ang pangunahing layunin nito ay protektahan ang mga komunidad laban sa delubyo at pinsalang dulot ng baha.
Ang hakbang ng DOF, BIR, at BOC ay inaasahang magbibigay ng mas malinaw na accountability at magsisilbing babala sa mga opisyal at negosyanteng sangkot sa anomalya na hindi palalampasin ang kanilang pananamantala sa kaban ng bayan.
