Tuluyan nang ipinasara ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang operasyon ng Siquijor Island Power Corp. (SIPCOR) na pag-aari ng negosyanteng si Manny Villar, matapos lumubha ang krisis sa kuryente sa isla na umabot sa halos tatlong buwan ng sunod-sunod na blackout.
Ayon sa ERC, binawi nila ang provisional authority ng SIPCOR dahil sa serye ng paglabag tulad ng bigong kumuha ng certificate of compliance (COC) bago pa man magpatakbo ng planta, kapabayaan sa regular na maintenance na nagresulta sa matagalang power outage, hindi pagtupad sa reportorial requirements, at paglabag sa kasunduan nito sa Provincial Electric Cooperative of Siquijor (PROSIELCO).
Sa rekord ng gobyerno, nakaranas ang mga residente ng Siquijor ng 568 power interruptions mula Enero hanggang Mayo o katumbas ng 31 blackout kada buwan at hanggang 11 oras na kawalan ng kuryente kada araw. Dahil dito, kinailangang magdeklara ng state of calamity ang probinsya noong Hunyo.
“Ang mga pagkukulang na ito ay hindi basta abala lamang. Tumigil ang operasyon ng ilang ospital, naapektuhan ang mga klase sa eskuwelahan, at bumagsak ang negosyo lalo na sa sektor ng turismo,” pahayag ni DOE Secretary Sharon Garin.
Mismong si ERC Chairperson Francis Saturnino Juan ang nag-abot ng cease and desist order sa SIPCOR, kasama sina DOE Undersecretary Mario Marasigan at NEA Administrator Antonio Mariano Almeda, bilang patunay ng agarang aksyon ng gobyerno.
Kasunod ng pagsasara, nagtayo ng bagong power facilities na may kabuuang 15.75 megawatts, lagpas pa sa 9.5 MW peak demand ng isla. Sa tulong ng NEA, PROSIELCO, at mga lokal na stakeholder, agad itong na-komisyon upang tugunan ang kakulangan sa suplay ng kuryente.
Nagpakilos din si Almeda ng linemen mula sa Cebu I Electric Cooperative at Cebu III Electric Cooperative upang tulungan ang PROSIELCO sa paglalatag ng transmission lines at take-off terminals para sa bagong planta.
“Sa madaling salita, malinaw po na hindi kaya ng SIPCOR ibigay ang serbisyo na ipinangako nila. Hindi kami papayag na maulit pa ito muli. Makakaasa ang bawat Pilipino na gagawin ng inyong pamahalaan ang lahat ng aming makakaya para guminhawa ang inyong buhay sa ating Bagong Pilipinas,” dagdag pa ni Garin.
