REHAS na bakal ang kinasadlakan ng 63-anyos na lolo na wanted sa apat na bilang ng kasong panghahalay matapos maaresto ng pulisya sa kanyang tirahan sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.
Sa ulat pulisya, ang akusado na si alyas “Lolo Lucio” ay nakatala bilang No. 5 sa Top Ten Most Wanted Person sa Malabon City Police Station.
Nang makatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission na naispatan ang presensya ng akusado sa kanilang lugar sa Sanciangco St. Brgy. Catmon, kaagad nilang ikinasa ang operation laban kay ‘Lolo Lucio’.
Hindi na nakapalag ang akusado nang makorner ng pinagsamang mga operatiba ng Malabon Police Warrant and Subpoena Section at Women’s and Children Protection Desk sa Sanciangco St., Brgy., Catmon dakong alas-3:40 ng hapon.
Matagumpay na naisilbi ng pulisya ang bitbit na warrant of arrest na inilabas noong Hulyo 21, 2026 ng Malabon City Regional Trial Court (RTC) sa akusado para sa apat na bilang ng kasong Rape through Sexual Assault sa ilalim ng Article 266-A Paragraph 2 ng Revised Penal Code. (JUVY LUCERO)
