Lumabas sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado nitong Miyerkules, Hulyo 29, 2026, na itinuturing na “unusual” o hindi karaniwan ang ginagawang milyong-milyong pisong cash encashment sa Department of Education (DepEd) kumpara sa ibang ahensya ng pamahalaan.
Sa ika-10 araw ng pagdinig sa Session Hall ng Senado, iginiit ni Senate President Win Gatchalian ang kahina-hinalang halaga ng itinatakbo o inilalabas na pondo sa naturang kawanihan sa pamamagitan ng pagtatanong sa witness na si Ms. Nenita Camposano.
Ayon kay Camposano, ang karaniwang cash encashment ng DepEd sa kanilang bangko ay naglalaro lamang sa P100,000 hanggang P200,000 kada buwan—pondo na ginagamit para sa overtime pay ng mga Contract of Service (COS) at mga contractual employee.
Ibinunyag din nito na ang mismong payroll ng mga regular na empleyado ay hindi idinadaan sa cash kundi sa direktang credit sa kanilang mga account batay sa payo ng ahensya.
Subalit nabuksite ang malaking diperensya nang matuklasan ang mga pondo at transaksyong umabot sa humigit-kumulang P37.5 milyon.
“Ito po kasing sa DepEd, kaya ko po nasabing unusual, ito lang pong tatlong ito ang nangyari,” paliwanag ni Camposano nang tanungin siya ni SP Gatchalian kung bakit kataka-taka ang naturang halaga sa DepEd samantalang karaniwan lamang ito sa ibang kawanihan ng gobyerno.
Inilahad din sa pagdinig ang mabilis na proseso ng paglalabas ng malaking halaga ng cash. Ayon kay Camposano, kinakailangang maabisuhan ang bangko bago mag-12:00 ng tanghali—ang tinukoy nitong cut-off time—upang maihanda ng cash center ang pondo.
Kapag naipasa ang kahilingan bago ang naturang oras, kayang maideliber o maihanda ang milyun-milyong piso sa loob lamang ng mas mababa sa 24 oras.
Nang tanungin naman ni Gatchalian kung may iba pang nakalipas na opisyal o Kalihim ng DepEd na gumawa ng kaparehong malaking encashment, sinabi ni Camposano na wala siyang kaalaman ukol dito at ang batayan lamang niya ay ang dalawang taon niyang pagsisilbi at paghawak sa accounts ng ahensya.
Patuloy ang pagsusuri ng Senado sa nasabing usapin upang matukoy kung may naganap na anomalya o paglabag sa mga umiiral na tuntunin sa paghawak ng pampublikong pondo.
