Umakyat sa P94.75 bilyon ang net income ng Government Service Insurance System (GSIS) sa unang anim na buwan ng taong 2026—isang 27.78 porsyentong pagtaas mula sa P74.2 bilyon na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Batay sa pinakahuling ulat ng ahensya, umabot din sa P195.38 bilyon ang gross income nito (tumaas ng 15.03%), samantalang ang kabuuang assets ng GSIS ay umabot na sa P2.05 trilyon noong Hunyo 30, 2026.
Sa kabuuang gastos ng ahensya, nanatiling napakababa ng administrative loading nito na nasa 2.55% lamang—malayo sa 12% statutory ceiling ng batas.
Ibig sabihin nito, sa bawat piso na ginastos ng GSIS sa unang kalahati ng taon, 94 sentimos ang direktang napunta sa mga claim at benepisyo ng mga miyembro, pensyonado, at kanilang mga kwalipikadong benepisyaryo.
“What is the use of higher net income if we have not improved the lives of government workers and retirees?” diin ni GSIS President and General Manager Wick Veloso.
Numbers on the income statement mean nothing until they become pensions paid on time, claims released without delay, or financial assistance a family can actually use. That is the social dividend. That is the only reason these numbers matter.”
Pinagtibay ng GSIS ang pagbibigay ng tinatawag nitong social dividend sa pamamagitan ng mga bagong programa sa ilalim ng Ginhawa Loan Series, bilang pagtugon sa Executive Order No. 110 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. Kabilang dito ang Balik Ginhawa 1 at 2 na nag-refund ng hanggang anim na buwang amortisasyon na nagkakahalaga ng P18.3 bilyon sa mahigit isang milyong benepisyaryo hanggang noong Hulyo 27.
Kasama rin sa mga inihain ang Ginhawa Solar Energy Loan (GSEL) na nagkaloob ng P7.3 bilyon sa 23,168 miyembro para sa pagpapalagay ng solar panel sa mababang interes na 5%, at ang Ginhawa Bike and E-Mobility Loan (GBEL) na naglabas ng mahigit P1.7 bilyon sa 36,000 miyembro para sa pambili ng bisikleta at e-bikes.
Bukod dito, inilunsad noong Hulyo 28 ang Ginhawa Health Assistance Loan (G-HEALTH) sa pakikipagtulungan sa Maxicare Healthcare Corp. upang makakuha ang mga miyembro ng HMO packages sa pamamagitan ng zero-interest loan, kung saan humigit-kumulang 214,000 miyembro ang inaasahang makikinabang sa paunang pagpapatupad nito.
Ayon sa pinakahuling actuarial study, nanatiling financially sustainable ang GSIS hanggang sa taong 2058.
“Financial sustainability allows the GSIS to deliver social dividends today while protecting the benefits of future generations,” anang Veloso.
