Balik-rehas ang isang Person Deprived of Liberty (PDL) matapos ang mabilis na operasyon ng Bureau of Corrections (BuCor) kahapon, kasunod ng tangka nitong pagtakas mula sa Sablayan Prison and Penal Farm (SPPF) sa Sablayan, Occidental Mindoro.
Kinilala ni BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang muling nadakip na si Tyrone Dela Cruz.
Naaresto ang suspek bandang alas-7:30 ng umaga sa Sitio Idarag, Brgy. Sta. Lucia, Sablayan.
Ayon kay Catapang, nabuking ang lokasyon ni Dela Cruz matapos makatanggap ng ulat ang Corrections Emergency Response Team (CERT) tungkol sa isang hindi kilalang lalaki na nagnakaw ng isang motorsiklo sa lugar.
Agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang CERT katuwang ang mga lokal na awtoridad. Hindi na nakapalag ang PDL nang masukol ng mga operatiba habang sinusubukang takasan ang mga humahabol sa kanya.
Pinuri ni Catapang ang mabilis na aksiyon ng kanyang mga tauhan at binigyang-diin ang dedikasyon ng kawanihan sa seguridad ng komunidad.
“Magsilbi sana itong babala sa lahat ng mga PDL: hindi magtatagumpay ang anumang tangka ninyong pagtakas. Hahanapin namin kayo at ibabalik sa hustisya,” pahayag ni Catapang.
Kasalukuyan nang iniimbestigahan ng BuCor ang mga detalye kung paano nakatakas si Dela Cruz mula sa penal farm.
Nakikipag-ugnayan na rin ang kawanihan sa lokal na pulisya para sa karagdagang impormasyon at para matiyak ang seguridad sa paligid ng pasilidad. Nanawagan din ang BuCor sa publiko na agad iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar upang mapanatili ang kaayusan.
