Inanunsyo ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang pagpapaluwag sa panuntunan para sa malalaking cash withdrawals. Itinaas na sa 1 milyong piso ang threshold para sa enhanced due diligence (EDD) mula sa dating 500,000 piso.
Ang hakbang na ito, na nakapaloob sa BSP Circular No. 1230 na inisyu noong Pebrero 27, 2026, ay naglalayong bawasan ang abala sa mga lehitimong transaksyon habang pinapanatili ang proteksyon laban sa money laundering.
Sa ilalim ng bagong panuntunan, ang mga kliyente ng bangko ay maaari nang mag-withdraw ng hanggang ₱1 milyon nang hindi kinakailangang dumaan sa masusing pagsisiyasat o karagdagang dokumentasyon.
Gayunpaman, ang mga withdrawal na lalampas sa halagang ito ay mangangailangan pa rin ng mga dokumentong magpapatunay na lehitimo ang transaksyon.
Ayon sa BSP, ang revised threshold ay resulta ng konsultasyon sa mga bangko at industry groups kung saan lumabas na marami sa mga transaksyong lumalampas sa dating limit ay bahagi lamang ng mga routine na aktibidad gaya ng payroll, loan releases, at project-based disbursements.
Ipinaliwanag ng regulator na ang pagbabagong ito ay nagpapahintulot sa mga bangko na ituon ang kanilang monitoring sa mga aktibidad na may mataas na panganib habang pinapabilis ang takbo ng normal na transaksyon para sa mga indibidwal at negosyo.
Binigyang-diin din ng central bank na ang EDD para sa mga kliyenteng madalas mag-withdraw ng malalaking halaga ay gagawin sa per-customer basis sa halip na per transaction.
Nangangahulugan ito na ang mga paulit-ulit na transaksyong may kaugnayan sa lehitimong operasyon ng negosyo ay hindi na dapat maabala kapag naitatag na ang activity profile ng isang kustomer.
Bagama’t itinaas ang standard limit, maaari pa ring magpatupad ang mga financial institution sa ilalim ng BSP ng mas mababang threshold kung sa tingin nila ay kailangan ito batay sa kanilang internal risk assessment.
Ang desisyong ito ay bahagi ng National Risk Assessment at surveillance monitoring ng mga regulator upang matiyak na ang banking system ay protektado laban sa illicit financial flows nang hindi sinasakal ang tunay na takbo ng banking activity sa bansa.
Nilinaw din ng BSP na walang threshold na ipinapatupad para sa mga non-cash withdrawals sa ilalim ng mga nasabing panuntunan.
