Mas madaling masusubaybayan ng publiko kung saan napupunta ang kanilang buwis at ang katayuan ng mga proyekto ng gobyerno. Inanunsyo ng Department of Budget and Management (DBM) na ilulunsad ngayong buwan ang “Budget ng Bayan Monitor” (BBM) at Project DIME – Digital Information for Monitoring and Evaluation.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman sa Kapihan sa Manila Bay, ang BBM ay isang agency performance review na may grading system para sa bawat departamento at ahensya, pati na ang state universities and colleges (SUCs). Layunin nitong ipakita hindi lamang kung magkano ang nagastos kundi kung tunay bang naisasakatuparan ang mga proyekto.
“Gusto namin makita kung talagang nagagawa yung mga proyekto. Ayaw namin nakikita lang sa papel na ok ka,” ani Pangandaman. Idinagdag niya na bawat programa at proyekto ay “didig deeper” upang matiyak na tama ang paggamit ng pondo.
Kasabay nito, ilulunsad ang Project DIME, kung saan gagamit ng drones at satellite technology upang masubaybayan ang infrastructure projects nationwide. Makikibahagi rin ang publiko sa pamamagitan ng pag-view ng videos o photos ng proyekto at pagbibigay ng feedback o komentaryo sa katotohanan ng update.
“Pwede pong mag-log in ang ating mga kababayan at mag-comment o mag-upload din ng photo o video,” dagdag ni Pangandaman.
Layunin ng mga bagong programa na tukuyin ang delays, suspisyosong transaksyon, at siguraduhing nagagamit ng tama ang pondo.
“Totoo ba ang bridge na kumpleto? Totoo ba na yung tulay na eto nangyari? Totoo ba na ang school building natapos? May programa na isang daan na hindi naman kailangan ayusin, yung kailangang ayusin yun yung walang pondo,” ani Pangandaman.
Sa pamamagitan ng BBM at Project DIME, mas magiging transparent at accountable ang pamahalaan sa mga mamamayan.
