Pinangunahan ni Bureau of Corrections (Bucor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang simultaneous oath-taking ceremony ng 1,000 bagong Corrections Officers 1 (CO1) nationwide at hinimok ang mga ito na maging ahente ng pagbabago sa sistema ng pagkakakulong sa bansa.
“Maswerte kayo dahil napunta kayo sa Bucor ng panahon ng pagbabago,” ani Catapang. Binigyang-diin niya na ang mga bagong CO1 ay hindi lamang magtataguyod ng kanilang trabaho kundi magsisilbing halimbawa sa integridad at dedikasyon sa paglilingkod sa bayan.
“Hindi kayo pumasok dito para magka-trabaho lang; maglingkod kayo sa Bayan,” dagdag pa niya. Pinayuhan din ni Catapang na ang mga tapat sa tungkulin ay susuportahan, kabilang ang kanilang pamilya, ngunit ang sinumang manlilihis ng tiwala ay “hindi na makapaglilingkod muli sa gobyerno.”
Ipinahayag din niya ang layunin ng ahensya na magkaroon ng bagong kultura: “Ang bagong kultura natin dito sa Bucor ay nagmamasid, hindi kumukurap at tumatalima sa tungkulin,” na nakatuon sa disiplina at integridad.
Ang bagong batch ng CO1 ay nagmula sa iba’t ibang pasilidad ng Bucor: New Bilibid Prison HQ – 206, Davao Prison and Penal Farm – 204, Iwahig Prison and Penal Farm – 295, Leyte Regional Prison – 89, Sablayan Prison and Penal Farm – 95, at San Ramon Prison and Penal Farm – 111.
Sa kanyang mensahe, malinaw na ang Bucor ay naghahanap ng mga opisyal na maglilingkod sa bansa at sa mamamayan, hindi lamang bilang empleyado ng ahensya.
