Nakipagkamay si CDC President at CEO Atty. Agnes VST Devanadera (ikalawa mula kaliwa) kay TCRC President Mr. Jaime Cruz matapos lagdaan ang Lease Agreement para sa Ibis Styles Hotel Clark. Kasama rin sa larawan sina CDC VP Atty. Noelle Mina Meneses at TCRC VP Jeffry Cruz. (CDC Photo)
Isang bagong ₱1.143-bilyong hotel project ang nakatakdang itayo sa puso ng Clark matapos pormal na lagdaan ng Clark Development Corporation (CDC) at Twin Cardinal Realty Corporation (TCRC) ang lease agreement para sa Ibis Styles Hotel Clark, isang mid-scale hospitality brand ng Accor Group.
Ang 250-room hotel, na itatayo sa 6,000 metro kwadradong lote sa C.M. Recto Highway, ay sisimulan ang konstruksyon sa unang quarter ng 2026 at target matapos pagsapit ng unang bahagi ng 2027. Magkakaroon ito ng 230 standard rooms at 20 family rooms, dalawang restaurant, gym, children’s play area, at reception lobby.
Ayon sa CDC, inaasahan nitong makalikha ng 359 lokal na trabaho at magdaragdag sa kasalukuyang 3,793 hotel rooms sa Clark (data noong Disyembre 2024).
“Masayang-masaya kami ngayon. Bumabaha ng tao sa Clark — mula sa mga runners, bikers, hanggang sa pamilya nila — kaya kailangan ng abot-kaya pero business-friendly na matutuluyan,” ani CDC President at CEO Atty. Agnes VST Devanadera.
Tiniyak ni Devanadera na dumaan sa masusing due diligence ang kasunduan para sa seguridad ng investor, at tugma ito sa Strategic Investment Priority Plan (SIPP) na prayoridad ng gobyerno para sa turismo.
Kasama sa hotel boom ng Clark ang halos 2,000 bagong rooms na inaasahang magbubukas sa mga susunod na taon: First Clark Hotel and Residences (286 rooms), The Henry Resort Clark (40 rooms), Wyndham Garden Clark (150 rooms), Hilton Clark Sun Valley Resort expansion (300 rooms), at Hann expansion (970 rooms).
Ayon kay Accor Group Director of Development Kash Salvador, nakikita nilang strategic hub para sa business tourism ang Clark:
“Sigurado kaming maiaangat pa namin ang business tourism infrastructure dito at masusuportahan ang paglago ng Clark bilang prime destination para sa trabaho at bakasyon.”
Para naman kay TCRC VP Jeffry Cruz, ang mabilis na pag-unlad at madaling accessibility ng Freeport ang nagtulak sa kanila na dito itayo ang kauna-unahang Ibis Styles sa bansa.
Ang Ibis Styles ay bahagi ng Accor Group na may higit 4,900 properties sa 110 bansa sa buong mundo.
