ARESTADO ang isang mataas na opisyal ng pulisya matapos amining isinama niya palabas ng detention cell ang naka-detine na wanted na kriminal para sa pagbuo ng kaso sa Caloocan City.
Inilabas ng Northern Police District (NPD) ang ulat ng pagkakadakip sa 54-anyos na hepe ng District Special Operations Unit (DSOU) na may ranggong Lieutenant Colonel, Lunes ng umaga, matapos na maisampa ang kasong paglabag sa Article 223 ng Revised Penal Code o ang “Conniving to Evasion of Service of Sentence” at kasong administratibo laban sa opisyal.
Batay sa ulat, nagsagawa ng sorpresang inspeksiyon sa Detention Facility ng DSOU sa Larangay St. Brgy. 14 ang mga tauhan ng National Capital Region Police Office- Regional Intelligence Division (NCRPO-RID), kasama ang Directorate for Investigation and Detective Management Division (DIDMD) ng NPD dakong alas-5:30 ng hapon noong Sabado at dito nabisto ang pagkawala ng 43-anyos na akusado sa pagpatay na si alyas “Burdigoy” na naaresto sa bisa ng warrant of arrest noong Agosto 3, 2025.
Dito na tinawagan ng jailer ang kanilang hepe at nang makaharap ang mga nag-inspeksiyon, inamin niyang isinama niya palabas ang detenidong akusado para sa pagbuo ng kaso na dahilan para ipaaresto siya ng NCRPO kina P/Lt Christopher Mamigo at P/Cpl. Christian Viado ng DIDMD-NPD. (JUVY LUCERO)
