Kinuwestiyon ng Mindanao Sustainable Sugarcane Agricultural Development Incorporated (MINFED) ang planong pag-angkat ng asukal ng pamahalaan sa kabila ng umano’y sapat na lokal na suplay para tugunan ang pangangailangan ng bansa.
Sa kanilang pahayag, nanawagan ang grupo sa Department of Agriculture (DA) na mulang suriin ang plano ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na mag-angkat ng refined sugar sa ilalim ng Sugar Order No. 8, Series of 2024–2025, na naglalayong magpasok ng 424,000 metric tons ng asukal simula sa susunod na buwan.
Ayon kay dating Bukidnon Rep. Manuel Antonio Zubiri, na siyang presidente ng MINFED, lubhang maaapektuhan ng importasyon ang mga lokal na producer na hirap na sa mataas na gastos sa produksyon at mababang presyo ng asukal sa merkado.
“This move threatens the livelihood of our farmers and the viability of the local sugar industry,” ani Zubiri.
Ibinahagi rin niya na sapat pa ang mga imbentaryo ng BUSCO Sugar Milling Company at Crystal Sugar Milling Corporation sa Bukidnon hanggang Oktubre 7, na may kabuuang 99,726 bag ng raw sugar, 1.7 milyon bag ng refined sugar, at 1.3 milyon bag mula sa ibang operasyon ng mga sugar mill.
Giit ni Zubiri, maaaring ipadala ang sobrang suplay mula Mindanao upang tugunan ang kakulangan sa mga lugar gaya ng Negros Occidental, imbes na magbukas muli ng importasyon.
Bagama’t hindi tinamaan ng soft scale insect infestation tulad ng Negros, aminado ang grupo na bumaba ang ani at sugar recovery rate sa Bukidnon dahil sa matagal na pag-ulan, kasabay ng pagtaas ng presyo ng abono at krudo na lalong nagpapabigat sa gastos ng mga magsasaka.
Sa kasalukuyan, may 79,000 ektarya ng taniman ng tubo sa Mindanao — 59,000 ektarya nito ay nasa Bukidnon, kung saan magsisimula ang milling operations sa Nobyembre 24.
Samantala, nilinaw ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel na walang nakatakdang importasyon ng asukal hanggang kalagitnaan ng 2026, upang maiwasan ang kalituhan at pangamba sa merkado.
“Let us be clear — there is, and never was, any talk of an importation program for crop year 2025–2026 until we finish significant milling, have firm production figures, and ensure any imports would only be classified as reserve sugar,” ayon kay Laurel.
Dagdag pa ng DA, magpapanatili ang pamahalaan ng dalawang buwang buffer stock ng refined sugar upang matiyak ang stabilidad ng suplay at presyo. Anumang susunod na importasyon ay ituturing lamang na “C” o reserve sugar, at hindi ipapalabas sa lokal na merkado.
