Asahang magiging mainit ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa Nobyembre 14, matapos ihayag ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na isang “very important witness” ang haharap upang magbigay ng karagdagang testimonya hinggil sa flood control fund scandal.
Ayon kay Lacson, na muling uupong chairman ng Blue Ribbon Committee matapos magbitiw pansamantala dahil sa sigalot sa loob ng Senado, layunin ng susunod na pagdinig na mapabilis ang pagsasampa ng matibay na kaso laban sa mga sangkot na politiko, opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), at mga tiwaling kontratista.
“To help speed up the filing of airtight cases against some politicians, DPWH officials and errant contractors, we will invite, among others, a ‘very important witness’ and retired Philippine Marine Sergeant Orly Guteza to expound on his previous testimony,” ayon sa post ni Lacson sa X (dating Twitter).
Bagama’t hindi pa nagbigay ng detalye, sinabi ni Lacson na magiging “crucial” ang testimonya ng nasabing saksi sa pagbuo ng solidong ebidensiya para sa mga kasong kriminal na maaaring isampa kaugnay ng maanomalyang paggamit ng pondo sa flood control projects.
Si retired Sgt. Orly Guteza, na dati nang iniharap ni Sen. Rodante Marcoleta, ay nagsabing personal siyang naghatid ng mga maletang puno ng pera, na tinatawag umanong “basura,” sa mga bahay ng dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co at dating House Speaker Martin Romualdez, na pinsan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Si Guteza ay inirekomenda umano kay Marcoleta ni dating Anakalusugan party-list Rep. Michael Defensor.
Sa pagbabalik niya bilang chairman, tiniyak ni Lacson na magiging patas ang imbestigasyon.
“I intend to lead the investigation with a blindfold mentality. There will be no bias, no political color — only evidence and accountability,” pahayag ng senador.
Ayon naman kay Senate President Tito Sotto III, nagkasundo ang mga senador na ibalik si Lacson sa puwesto matapos ang serye ng mga internal discussions, dahil “kinakailangan niyang tapusin ang kanyang sinimulan.”
Marami ring senador ang nagpahayag ng suporta kay Lacson, na anila ay magpapalakas sa kredibilidad ng imbestigasyon.
Ang pagbabalik ni Lacson sa isyu ay kasabay ng kanyang panawagan para sa malawakang laban kontra korapsyon, na aniya ay dapat magprotekta hindi lang sa negosyo kundi pati sa karaniwang mamamayan na pasan ang 12% value-added tax (VAT).
“I couldn’t agree more with the business sector except that they should also be speaking for the millions of Filipino taxpayers who cannot escape the 12 percent VAT or consumer tax that we all pay,” sabi ni Lacson.
Ang pahayag ng senador ay tugon sa joint resolution ng 34 business groups na nananawagan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpatupad ng “swift, decisive action” laban sa korapsyon.
Tinukoy ng mga grupo ang korapsyon bilang “fatal breach of public trust” at iminungkahi ang pagpapalakas sa Independent Commission for Infrastructure (ICI), pagsasauli ng ninakaw na pondo, at pag-uusig ng mga opisyal anuman ang katungkulan o koneksyon.
