UPANG mapahusay ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga mag-aaral, inilunsad ng La Salle Green Hills (LSGH) ang “AnimoExpress”, isang point-to-point shuttle service sa pakikipagtulungan sa Ortigas Commercial Corporation (OCC).
Layunin ng proyektong ito na mapagaan ang trapiko sa kahabaan ng Ortigas Avenue at magbigay ng ligtas at maayos na sakayan at hintayan para sa mga estudyante.
Kasama sa inisyatiba ang pagtatayo ng mga itinalagang loading at unloading bays, pati na rin ng student holding area na tinawag na “Think Space” sa loob ng Tiendesitas at Promenade.
Ayon sa kasunduan, parehong may tungkulin ang LSGH at OCC sa pagpapatakbo, pangangasiwa, at kaligtasan ng shuttle service.
Epektibo ang kasunduan mula Oktubre 1, 2025 hanggang Abril 30, 2026, na may opsyon para sa renewal.
Ginawa ang signing ng Memorandum of Agreement (MOA) noong Oktubre 17, 2025, sa La Salle Green Hills, na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa LSGH at Ortigas Commercial Corporation.
Layunin ng “AnimoExpress” na maging modelo ng ligtas at maayos na transportasyon sa mga paaralan, habang tinutugunan ang problema ng trapiko sa abalang lungsod ng Ortigas. (ARNOLD PAJARON JR)
