BAGSAK sa kulungan ang isang kelot na wanted sa kaso ng pangmomolestiya sa isang menor-de-edad nang madakip sa isinagawang manhunt operation ng pulisya sa Caloocan City.
Pansamantalang nakapiit ngayon sa custodial facility unit ng Northern Police District (NPD) – District Investigation and Detective Management Division (DIDMD) ang 24-anyos na akusado.
Sa ulat, natukoy ng mga Tracker Team 2 ng DIDMD ang kinaroroonan ng akusado na kabilang sa talaan ng mga most wanted person ng Caloocan City Police Station.
Agad nagsagawa ang mga operatiba ng DIDMD ng manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado sa Abbey Road, PNR Compound, Barangay 73.
Ang akusado ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Caloocan City Branch 1, Family Court noong October 22, 2025 para sa kasong Acts of Lasciviousness in relation to R.A 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act) na may inirekomendang piyansa na P180,000. (JUVY LUCERO)
