Final inspection bago ang Undas! Tiniyak ng Marikina City LGU ang kahandaan ng mga sementeryo sa lungsod para sa inaasahang dagsa ng mga bisita sa All Saints’ at All Souls’ Days. Layunin ng inspeksyon na masiguro ang maayos na crowd management, kapayapaan, at kaligtasan ng lahat. (Kuha ni ART TORRES)
Habang papalapit ang Undas 2025, tiniyak ni Marikina City Mayor Maan Teodoro na handa na ang pamahalaang lungsod para sa inaasahang dagsa ng mga residente at bisita sa mga pampubliko at pribadong sementeryo.
Sa ginanap na flag ceremony, sinabi ni Teodoro na maaga pa lamang ay sinimulan na ng lokal na pamahalaan ang paglilinis, pag-aayos, at pagpapaganda ng mga sementeryo sa tulong ng City Environmental Management Office (CEMO) upang masiguro ang maaliwalas, ligtas, at maayos na kapaligiran para sa mga dadalaw.
Kasabay nito, inatasan din ni Teodoro ang Office of Public Safety and Security (OPSS) na maglatag ng traffic scheme upang matiyak ang maayos na daloy ng trapiko sa paligid ng mga sementeryo at maiwasan ang abala sa mga motorista at dumadalaw.
“Mahalaga na maayos ang daloy ng trapiko upang mapanatili ang kaayusan sa ating mga lansangan,” ani Teodoro.
Binuo rin ng lungsod ang Interagency Task Force for Undas 2025, na kinabibilangan ng Marikina Police, OPSS, DRRMO, City Health Office, CEMO, at iba pang mga departamento. Layunin nito na mapanatili ang kalinisan, kaayusan, at kapayapaan sa buong pagdiriwang ng Undas.
Gayunman, iginiit ng alkalde na hindi lamang ito tungkulin ng pamahalaan.
“Ang respeto sa ating mga yumao ay nasusukat din sa respeto natin sa kapaligiran. Kaya hinihikayat natin ang lahat na makiisa sa pagpapanatili ng kalinisan at disiplina,” dagdag pa niya.
Ayon kay Teodoro, magsasagawa ang city government ng random inspections sa mga lugar sa lungsod upang matiyak na tuloy-tuloy ang pagpapanatili ng kalinisan.
“Hindi kailangang maghintay ng Undas o anumang okasyon para maglinis. Dapat araw-araw nating isinasabuhay ang disiplina at malasakit sa ating paligid,” ani Teodoro.
Pinaalalahanan din niya ang mga opisyal at empleyado ng pamahalaan na maging ehemplo sa publiko.
“Ang tunay na alagang Marikina ay hindi lang nakikita sa mga proyekto, kundi sa disiplina at malasakit sa araw-araw na trabaho,” pagtatapos ni Mayor Teodoro. (ARNOLD PAJARON JR)
