Nilinaw ng Office of the Ombudsman nitong Oktubre 26, 2025 na si Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla ay nasa maayos na kalusugan at patuloy na ginagampanan ang kanyang tungkulin nang buong sigla at dedikasyon, matapos kumalat ang ilang pahayag na umano’y labas sa konteksto.
Sa inilabas na opisyal na pahayag, sinabi ng tanggapan na si Ombudsman Remulla ay “malaya na sa kanser” at nasa mabuting kalagayan na sa loob ng isa’t kalahating taon.

Araw-araw rin umano siyang nag-eehersisyo tuwing umaga bago pumasok sa opisina upang mapanatili ang malusog na pamumuhay.
“Ang kanyang kamakailang pahayag tungkol sa kanyang kalusugan ay nasa past tense dahil tumutukoy ito sa kanyang karanasan bago pa siya maupo bilang Ombudsman,” paliwanag ng tanggapan.
Dagdag pa rito, tiniyak ng Office of the Ombudsman na determinado si Remulla na papanagutin ang mga responsable sa mga isyu kaugnay ng flood control scandal, at higit pa siyang nasa mabuting kondisyon upang pangunahan ang imbestigasyon.
“Ang kanyang pangalawang pagkakataon sa buhay ay nagbigay sa kanya ng determinasyon at paninindigang wala na siyang dapat ikatakot o ipagpaliban,” saad pa sa pahayag.
Ang paglilinaw ay kasunod ng mga kumalat na balitang nagdududa sa kalusugan ni Ombudsman Remulla, sa gitna ng mga mainit na imbestigasyon hinggil sa umano’y katiwalian sa mga flood control projects ng pamahalaan.
