May 4, 2024

POLICE MAJOR NAGPARAOS SA HARAP NG SALESLADY (Ipasusuri ni Eleazar kung may diprensiya sa pag-iisip)

Gustong matiyak ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar,na walang diperensya sa pag-iisip ang isang police major na gumawa ng malaswang aktibidades sa harap ng isang sales lady sa loob ng isang mall sa Legazpi City.

Base sa report nakuhanan pa ng CCTV footage ang ginawang pagma-masturbate ng opisyal habang nakakubli sa isang sulok at isinagawa ang nabanggit na pagpaparaos sa sarili sa harap mismo ng isang sales lady at naging usap-usapan din sa social media ang ginawang napakalaswang aksiyon ng hindi binanggit na pangalan ng naturang opisyal ng pulis na umabot na rin  sa tanggapan ng Office of the  Chief PNP ang pangyayari.

Dahil dito inutusan ni PGen. Eleazar ang sangkot na  police official na magpaliwanag sa kanyang ginawa at haharapin nito ang disciplinary action dahil sa kanyang kasalanan.

 “Nakarating sa aking kaalaman ang ginawa ng isa naming kasamahan sa isang mall sa Legazpi City kung saan nadadamay na ang buong organisasyon,” ayon kay Eleazar.

“Pulis man o sibilyan, walang taong nasa katinuan ng pag-iisip ang gagawa nito kaya inatasan ko na ang RD, PRO5 na imbestigahan at gumawa ng karampatang aksyon tungkol dito. Kasabay din sa aking utos ang pagpapasailalim sa nararapat na medical intervention sa pulis na ito upang maagapan kung ano man ang kanyang pinagdadaanan,” wika ni Eleazar.

“Humihingi ako ng paumanhin sa biktima ng pangyayaring ito at sa kanyang pamilya, kasama ang pamunuan ng mall at sa ating mga kababayan sa maling asal na ginawa ng pulis na ito,” dagdag pa niya. (KOI HIPOLITO)