
Posibleng sumabak na rin sa kulungan ang mga batang kasing-edad ng siyam na taong gulang — kung papayagan ng agham.
Ito ang inihayag ni PNP Chief Gen. Nicolas Torre III nitong Biyernes, matapos sabihin na handa silang suportahan ang panukala na ibaba ang edad ng criminal responsibility, basta’t may malinaw na basehan mula sa siyentipikong pag-aaral.
“Mainit na usapin ito,” ani Torre. “Maghahain kami ng position paper sa Kongreso para marinig ang aming pananaw sakaling amyendahan ang juvenile justice law.”
Sa ilalim ng kasalukuyang batas, nakasaad na ang mga menor de edad na 15 pababa ay hindi maaaring managot sa krimen. Ngunit ayon sa ilang mambabatas, panahon na para ibaba ito sa 12—at may ilang panukala pa na gawing sampu.
Giit ng PNP, dapat sagutin ng agham kung mas maaga nang nagkakaroon ng “discernment” ang kabataan ngayon dahil sa malawak na access nila sa impormasyon.
Samantala, nagbabala naman ang UNICEF Philippines na hindi pa lubusang nahuhubog ang utak ng kabataan bago ang edad na 16, kaya’t mahina pa ang kanilang kakayahang magdesisyon at pigilan ang bugso ng damdamin.
Patuloy na umiinit ang debate sa Kongreso habang pormal nang pumasok ang PNP sa usapin.
