Bumababa na ang bilang ng mga kaso ng leptospirosis sa bansa, ayon sa Department of Health (DOH) — pero binalaan ng ahensya ang publiko na manatiling maingat lalo na ngayong panahon ng tag-ulan at pagbaha.
Sa ulat ng DOH mula Agosto 17 hanggang 22, mas mababa ng 18 kaso ang naitala kumpara sa mga nakaraang linggo. Malaking pagbabago ito mula sa biglang pagtaas matapos ang pananalasa ng mga bagyong Crising, Dante, at Emong, kung saan umabot sa 1,112 kaso ang nadagdag noong Agosto 3 hanggang 9.
Maging sa mga ospital ay ramdam ang pagbaba ng pasyente. Ang DOH-Tondo Medical Center, na dati’y umaabot ng 68 admission kada araw, ay pitong kaso na lang ang naitala nitong Agosto 21. Sa National Kidney Transplant Institute, isa na lang ang bagong pasyente ngayong linggo mula sa dating 25 kada araw. Samantala, wala nang bagong admission sa East Avenue Medical Center matapos ang dating rurok na 21 pasyente kada araw.
Gayunman, nanindigan ang DOH na hindi pa oras para maging kampante. Mananatiling bukas ang mga Leptospirosis Fast Lane sa lahat ng ospital, at siniguro ring may sapat na kama para sa mga biglang pagdami ng kaso.
Pinaalalahanan ni Health Secretary Ted Herbosa ang publiko na obligado ang lahat ng DOH hospital na tumanggap ng pasyente alinsunod sa zero balance billing policy para sa basic accommodation.
“‘Wag nyong tanggalin ang sapatos kapag lumulusong sa baha,” babala pa ni Herbosa. “Proteksiyon ‘yan sa inyong paa. Kahit maliit na sugat, puwede nang pasukan ng lepto.”
Mula nang magsimula ang tag-ulan, umabot na sa 4,436 kaso ng leptospirosis ang naitala sa buong bansa hanggang Agosto 21. Patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng DOH sa sitwasyon at panawagan nila sa publiko: dobleng ingat para iwas-lepto. (LIMUEL TOLENTINO)
