Photo from MindaNews
Higit P1 bilyon halaga ng flood control projects sa Ilagan City ang napunta umano sa construction firm ng kapatid ni Mayor Josemarie “Jay” Diaz, batay sa datos ng pamahalaan.
Ayon sa rekord ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Isabela First District Engineering Office, mula 2022 hanggang 2025 ay nasungkit ng Dragon Twelve Builders & Construction Supply, pagmamay-ari ni Jonathan L. Diaz, ang kapatid ng alkalde, ang 16 flood control projects sa lungsod. Katumbas ito ng halos 70% o P1.076 bilyon mula sa kabuuang P1.54 bilyong halaga ng kontrata sa flood control.
Hindi ito ang unang beses na nasangkot sa isyu ang Dragon Twelve. Noong 2021, iniulat ng state auditors na nagkaroon ng malalaking delay sa mga proyekto nito dahil umano sa kakulangan ng tauhan at gamit. Sa kabila nito, mas marami pang proyekto ang nakuha ng kompanya makalipas ang taon.
Si Mayor Jay Diaz ay matagal nang nakaupo sa lokal na politika ng Ilagan—tatlong termino bilang alkalde mula 2007 hanggang 2016, muling bumalik noong 2019, habang ang kanyang asawa na si Evelyn Diaz ang pumalit noong 2016-2019. Sa kasalukuyan, ang kanilang anak na si Jayve Diaz ang vice mayor.
Subalit sa kabila ng mga datos, hindi agad nakuhanan ng pahayag si Mayor Diaz. Ayon sa Rappler, sinubukan itong tawagan matapos i-alerto sa text message, ngunit hindi na muling makontak. Hindi rin nakunan ng tugon si Jonathan Diaz, na may-ari ng Dragon Twelve.
Hindi lang sa Ilagan nakakuha ng pondo ang kompanya. Sa buong Isabela, nakorner ng Dragon Twelve ang kabuuang 37 flood control projects na aabot sa P2.18 bilyon, kabilang na ang ilang joint venture sa EGB Construction, isa sa top 15 flood control contractors sa buong bansa.
Gayunman, nananatiling palaisipan kung bakit, sa kabila ng dating puna ng COA at kakulangan sa resources, ay patuloy na nabibigyan ng bilyon-bilyong proyekto ang Dragon Twelve. (KOJIN BOGART JR)
