Larawan mula sa PBA
Ang NorthPort Batang Pier ay kasalukuyang nakikipag-usap sa isang prospective buyer para sa posibleng pagbebenta ng kanilang PBA franchise, ayon sa ulat ng Spin.PH at nakumpirma ng isang source sa Manila Bulletin.
Bagamat hindi ibinunyag ang pagkakakilanlan ng potensyal na mamimili, sinabi ng source na isang Letter of Intent (LOI) ang naisumite na sa PBA office. Hanggang sa ngayon, hindi pa nakakapagbigay ng pahayag ang opisyal ng Batang Pier at ang liga sa kabila ng mga pagtawag at mensahe.
Ang balitang ito ay nagdulot ng pagkabigla sa basketball community, ngunit hindi ganap na sorpresa matapos pakawalan ni NorthPort si Arvin Tolentino at payagang lumipat sa ibang koponan, gayundin ang pag-trade kay William Navarro sa Magnolia.
Ang Batang Pier ay kamakailan lamang nakapasok sa semifinals ng Commissioner’s Cup, ngunit bumagsak sa 11th spot sa season-ending Philippine Cup.
Kung tuluyang maisakatuparan ang pagbebenta, tatapusin nito ang 13-taong pag-iral ng NorthPort franchise sa PBA, simula nang bilhin ng Sultan 900 Capital ang franchise ng Powerade Tigers noong 2012.
Sa kanilang kasaysayan, tatlong beses lamang nakarating ang koponan sa semifinals. RON TOLENTINO
