Kinikilala ng Department of Science and Technology – Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (DOST-PCAARRD) ang Provincial Government of Cagayan (PLGU Cagayan) bilang isa sa mga pangunahing pilot LGUs sa Region 2 para sa SARAI CeNTRO Project, isang makabagong programang gumagamit ng siyensya at teknolohiya para tulungan ang sektor ng agrikultura.
Personal na tinanggap ni Board Member Atty. Engelbert “Jojo” Caronan, kinatawan ni Governor Edgar “Manong Egay” Aglipay, ang pagkilala sa ginanap na programa nitong Nobyembre 19, 2025 sa Centennial Arena sa Laoag City, Ilocos Norte.
Kasama niya ang mga representante mula sa Provincial Planning and Development Office (PPDO), kabilang ang KMDR Division na pinamumunuan ni Ann Margaret G. Guya, Planning Officer IV; Engr. Joseph C. Banzuela, Economic Researcher; at Mark Eric M. Cacacho, Computer Programmer.
Ang Project SARAI (Smarter Approaches to Reinvigorate Agriculture as an Industry in the Philippines) ay isang action-research program na pinondohan ng DOST-PCAARRD.
Layunin nitong tulungan ang mga magsasaka na mabawasan ang panganib na dulot ng climate change sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga angkop na crop advisories at decision-making tools.
Gamit ang modernong teknolohiya tulad ng Satellite remote sensing, Geographic Information System (GIS), Crop modeling at Weather prediction, makapagbibigay ang proyekto ng location-specific crop advisories upang gabayan ang mga magsasaka sa tamang pagtatanim, panahon ng ani, at pagharap sa pabago-bagong klima.
Ang Centralized National Hub for Regional Operations (CeNTRO) ay itatatag sa UPLB bilang central hub na tutulong sa komunikasyon at koordinasyon sa lahat ng regional hubs ng DOST.
Ang CeNTRO ay magmo-monitor ng klima at kondisyon ng sakahan gamit ang weather stations, magsusuri ng datos, at magbibigay ng localized recommendations para sa mga magsasaka.
Inaasahang magiging malaking suporta ang proyektong ito sa mga magsasaka ng Cagayan, tugon sa mga suliraning kanilang kinahaharap at hakbang tungo sa pagtaas ng produksyon sa kabila ng hamon ng nagbabagong panahon.
Ayon sa pamunuan ni Gov. Aglipay, plano ng lalawigan na palakasin ang kakayahan ng mga magsasaka gamit ang makabagong kaalaman upang mapaunlad pa ang agrikultura sa Cagayan at masiguro ang seguridad sa pagkain. (Mina Paderna)
