Hindi napigilan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang emosyon nang tanungin siya nitong Lunes, Nobyembre 24, hinggil sa mabibigat na alegasyong ibinato sa kanya at sa buong First Family ng kanyang nakatatandang kapatid na si Senator Imee Marcos, na lantaran silang inakusahan ng paggamit ng ilegal na droga sa isang malakihang Iglesia ni Cristo rally noong nakaraang linggo.
Sa harap ng media, sinabi ng Pangulo na matagal na silang “lubhang nag-aalala” para sa kanyang kapatid.
“The lady that you see talking on TV is not my sister,” mariing pahayag ni Marcos.
“That view shared by our cousins, friends, na hindi siya ‘yan [that’s not her]. So that’s why we are worried; we are very worried about her. I hope she feels better soon.”
Ang pahayag ng Pangulo ay tugon sa naging viral na akusasyon ni Sen. Imee sa harap ng tinatayang mahigit kalahating milyong katao.
Sinabi nito na ang First Family ay “adik,” isang patutsada na agad tinutulan ng pamangkin nitong si Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos.
Tinawag ni Sandro ang pahayag ng tiyahin na “not only false, but dangerously irresponsible.”
“Hindi ito asal ng tunay na kapatid,” aniya, isang linya na may doble kahulugan, dahil bukod sa INC reference sa salitang kapatid, tumatama rin ito sa matagal nang bulung-bulungan na hindi umano totoong kadugo ni Imee ang ilan sa pamilya.
Matagal nang alam sa political circles na hindi kabilang si Imee sa inner circle ng kanyang kapatid mula nang maupo ito sa Malacañang noong 2022..
Bagama’t isinama siya sa administration Senate slate para sa 2025 elections, umatras siya kaagad. Bumalik lamang pansamantala sa ilang sortie bago tuluyang bumitaw noong Marso, matapos ihatid ng administrasyon ang dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court para harapin ang kaso kaugnay ng drug war killings.
Mula noon, malinaw na oposisyon na ang kaniyang posisyon laban sa administrasyon ng kapatid.
“It’s anathema to talk about family matters generally in public. I do not like — we do not like to show our dirty linen in public,” ani Marcos sa isang press conference na halatang mabigat sa loob ang nasabing usapin.
Nang tanungin kung nakausap na ba niya si Imee: “Hindi.”
Agad namang nag-post si Imee sa social media.
“Bongbong, ako ’to… kung anu-ano na nakikita mo. Patunayan mong mali ako — gusto kong mali ako.”
Nangyayari ang pampublikong bangayan ng magkapatid kasabay ng pinakamalakas na political storm na kinahaharap ng Pangulo, ang lumalalang flood control corruption scandal na siya mismo ang nagbunyag sa kanyang 2025 SONA.
Habang umiinit ang krisis sa gobyerno, tila hindi maiiwasan ang dagdag na family drama na ngayon ay umaalingawngaw sa entablado ng pambansang pulitika. (Boyet Barba Jr)
