Isa na namang batch ng 500 persons deprived of liberty (PDLs) ang inilipat ngayong araw mula New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City patungo sa Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro, ayon sa Bureau of Corrections (BuCor).
Sinabi ni BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. na sa pinakahuling paglipat na ito, umabot na sa 13,781 PDLs ang nailipat mula NBP tungo sa iba’t ibang Prison and Penal Farms (PPFs). Ito ay bahagi ng malawakang decongestion program at paghahanda para sa planong pagsasara ng Bilibid pagsapit ng 2028.
Ang 500 PDLs ay ineskortan ng 150 personnel mula sa NBP, katuwang ang Philippine National Police–Muntinlupa.
Tiniyak ni Catapang na maingat na pinamahalaan ang seguridad at logistics ng operasyon, na sinabayan ng monitoring sa SLEX at STAR Tollway upang matiyak ang maayos at ligtas na biyahe.
Ayon kay Catapang, ang sunod-sunod na relokasyon ay hindi lamang para bawasan ang siksikan sa Bilibid kundi para pagandahin ang kondisyon ng mga PDL at itulak ang tunay na reporma sa sistemang penal ng bansa.
Kasabay nito, inatasan ni Catapang ang lahat ng superintendents ng iba’t ibang Operating Prison and Penal Farms na magpatupad ng kinakailangang paghahanda upang protektahan ang buhay at ari-arian sa nalalapit na epekto ng tropical depression Verbena.
Patuloy ang BuCor sa layuning gawing mas makatao, ligtas at makabago ang pamamahala sa mga pasilidad ng pambansang piitan. (Mina Padera)
