Pormal nang nilagdaan ng Bureau of Corrections (BuCor) at Philippine Economic Zone Authority (PEZA) ang kanilang pagtutulungan para ideklara ang bahagi ng Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) sa Palawan bilang isang Special Economic Zone, matapos lagdaan ngayong nitong kamakailan lang ang Joint Memorandum Circular (JMC) ng dalawang ahensya.
Ang kasunduan ay nilagdaan nina BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. at PEZA Director General Tereso O. Panga, na magbibigay-daan sa paglilipat ng eksklusibong paggamit at pagmamay-ari ng isang itinalagang bahagi ng IPPF upang paunlarin bilang isang Ecozone.
Ayon kay Catapang, ang dokumentong ito ay kailangang isumite sa Office of the President para sa pinal na proklamasyon.
“This partnership, shows the heart of a modern BuCor, no longer defined solely by walls and fences, but by what we can contribute to the nation. The law empowers us to use our lands to support reformation, generate income, and sustain our modernization,” ani Catapang.
“Today, we honor that mandate by embracing a vision that is bigger than ourselves. Iwahig will soon become a living proof that transformation is not only possible, it is inevitable when leaders choose courage over hesitation, collaboration over isolation, and service over self-interest, “ dagdag pa niya.
Tinutukoy sa kasunduan na ang Special Economic Zone ay posibleng maging sentro ng iba’t ibang industriya gaya ng agro-industrial, commercial, at recreational, na magbubukas ng pinto para sa investments, turismo, at trabaho.
Maaaring maitayo rito ang mga industrial estates, export processing zones, at iba pang pasilidad na magpapalakas sa lokal na ekonomiya habang mahusay na ginagamit ang mga lupain ng gobyerno.
Batay sa Supplemental Agreement na nilagdaan noong Hunyo 9, 2025, ipinagkaloob ng BuCor sa PEZA ang full at exclusive rights upang gamitin ang lupa sa loob ng 50 taon, na may opsyon pang dagdagan ng 25 taon.
Ayon kay Catapang, malinaw na ipinapakita nito ang pangmatagalang layunin ng gobyerno na paunlarin ang Palawan Mega Economic Zone bilang isang malakas na sentro ng negosyo.
Sa ilalim ng revenue-sharing scheme, 90% ng buwanang renta mula sa mga negosyong uupa ng lupa ay ibabalik sa BuCor, habang 10% ang mananatili sa PEZA bilang management fee.
May kanya-kanyang obligasyon ang dalawang ahensya.
Obligasyon ng BuCor na tiyaking legal ang pagmamay-ari sa lupa, kumuha ng environmental clearances at LGU endorsements habang ang PEZA naman ay para ihanda ang Presidential Proclamation at pangasiwaan ang Technical Working Group para sa kompletong dokumentasyon.
Nananatiling magkatuwang ang BuCor at PEZA sa pagpapabilis ng transformation roadmap ng ecozone. Inaasahang magbubunga ito ng sustainable economic environment na pakikinabangan hindi lamang ng Palawan, kundi ng buong bansa. (Mina Paderna)
