Sinubukan ng PLDT at Globe ang isang bagong teknolohiya sa internet na tinatawag na “laser internet”, na gumagamit ng laser beams bilang “light bridges” upang magpadala ng data mula sa isang terminal patungo sa isa pa, na walang kinakailangang fiber cables.
Sa sistemang ito, maaaring magpadala ng signal sa distansya na hanggang 20 kilometro bawat beam.
Halimbawa, para sa distansyang 100 kilometro, limang magkakonektang terminal ang kailangan. Bagamat nakakaiwas ito sa gastos at hirap ng paglalagay ng fiber sa bundok, ilog, o isla, may kahinaan ang sistema sa mga kondisyon ng panahon tulad ng fog.
Ang teknolohiya, na kilala bilang Free Space Optics (FSO), ay may bandwidth na inaangkin na 20 gigabits per second at hindi nangangailangan ng lisensiyadong spectrum kagaya ng radio-based technology.
Noong Agosto 28, inihayag ng Globe sa pamamagitan ng subsidiary na Fiber Infrastructure and Network Services Incorporated (FINSI) na nakamit nila ang 10Gbps wireless optical connectivity sa isang 11-kilometrong aerial link sa Laguna Lake, kung saan 80% ng ruta ay nasa ibabaw ng tubig.
Samantala, iniulat ng PLDT noong Setyembre 2 ang tatlong site para sa deployment ng system sa Talim Island, Rizal – 11.8-kilometrong link sa Laguna de Bay; Dipaluda, Isabela – 13-kilometrong ruta sa bundok, na mahirap lagyan ng fiber; at Bagong Pag-asa, Quezon City – alternatibong ruta upang maiwasan ang single point of failure (SPOF).
Ayon sa PLDT, malaking tipid sa imprastruktura ang hatid ng Taara system kumpara sa tradisyonal na fiber optic, lalo na sa ilalim ng tubig o sa mahirap marating na kabundukan.
Ang Taara ay produkto ng X, ang “moonshot” lab ng Alphabet (Google parent company), kung saan sinusubukan at dine-develop ang mga high-tech projects tulad ng Waymo autonomous car. Naisabog ang Taara bilang hiwalay na spin-off noong Marso 2025, na naglalayong suportahan ang fiber networks sa mga lugar kung saan mahirap maglatag ng tradisyonal na cables.
Katulad ng Starlink ni Elon Musk, layunin ng Taara na magdala ng fiber-like speeds sa remote o challenging locations, gamit ang mirrors, sensors, precision optics, at smart software upang tiyakin ang ligtas at mabilis na koneksyon. Ang deployment ng system ay mabilis at hindi nangangailangan ng matagal na paglalagay ng wires.
Ang hakbang ng PLDT at Globe ay sumasalamin sa pagtugon sa pangangailangan ng mas malawak na koneksyon sa gitna ng pagkakatanggap ng Konektadong Pinoy bill bilang batas.
Kasalukuyan rin namang nagre-resell ang PLDT ng Starlink satellite internet, na may residential rates na nagsisimula sa ₱3,800 kada buwan at initial hardware cost na ₱28,000. (LIMUEL TOLENTINO)
