Kinuwestyon ni Iloilo Rep. Janette Garin ang P1-bilyong panukalang pondo ng Department of Health (DOH) para sa “beautification” ng mga opisina nito, pati na ang P458-milyong budget para sa research at P7.5-milyong tatlong taong donasyon sa World Health Organization (WHO).
Giit ni Garin, mas makabubuting ilaan ang naturang pondo sa mga serbisyong direktang makikinabang ang mga pasyente.
Sa deliberasyon ng House committee on appropriations para sa 2026 budget ng DOH nitong Huwebes, sinabi ni Garin na dapat ang pondong ito ay i-realign para masuportahan ang universal health care program (UHCP), dagdag-subsidya sa mga ospital, at pagkuha ng mas maraming doktor at nars.
“Ang gusto ng Pangulo ay zero-balance billing, pero paano nakalusot sa DBM ang P1 bilyon para sa pagpapaganda lang ng mga opisina at hindi para sa mga ospital, lalo na sa mga rural hospital?” tanong ng dating DOH secretary.
Dagdag pa niya, bagama’t maganda ang hangaring tumulong sa WHO, mas kailangan ng mga lokal na ospital ang nasabing pondo.
“Imbes na mag-donate, ibigay na lang sana ito sa implementasyon ng UHCP,” aniya.
Kasabay nito, ipinaliwanag ni Health Secretary Teodoro Herbosa na igagalang nila ang magiging pasya ng Kongreso sa realignment ng pondo, ngunit dapat din aniyang pag-aralan ang research budget dahil may mga multi-year projects na matagal nang nakaprograma.
Samantala, binigyang-diin naman ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio na walang nakalaang budget para sa zero-balance billing program. Sa ngayon, umano’y nakasalalay ang pondo nito sa kita ng mga ospital mula sa pasyenteng nagbabayad.
“Mabigat na nga sa bulsa ng mahihirap at manggagawa ang outpatient services at diagnostics, sila pa ngayon ang nagsu-subsidize sa programang ito. Nasaan ang libreng serbisyo medikal para sa tao?” tanong ni Tinio.
Paliwanag ni Herbosa, saklaw lamang ng zero-balance billing ang mga pasyente sa wards o basic accommodation.
Samantala, patuloy na may bayad ang outpatient services at mga pasyente sa private rooms.
Idinagdag pa niya na ang pagpapatupad ng programa ay pinopondohan mula sa kita ng ospital sa pasyente, government subsidies, insurance reimbursements, at nonmedical services. (MINA PADERNA)
