
Pasabog agad sa kanilang unang sabak sa Unions Cup ang Philippine men’s rugby team na Volcanoes matapos talunin ang defending champion na Singapore, 37-20, sa Kaohsiung National Stadium, Taiwan.
Hindi nagpatumpik-tumpik ang mga Pinoy matapos agad makapagtala ng 20-8 na kalamangan sa first half—isang bentahe na hindi na nila binitiwan hanggang sa huli. Sa tagumpay na ito, sinelyuhan ng Volcanoes ang kanilang pagpasok sa finals kung saan haharapin nila ang Thailand.
Nauna namang nakalusot ang Thailand sa isang dikdikan laban sa host country na Chinese Taipei, 20-19, sa pagbubukas ng torneo. Maghaharap naman ang Singapore at Chinese Taipei para sa third place match sa darating na Sabado, Hulyo 12, sa parehong venue.
Ang Unions Cup ay inilunsad noong nakaraang taon upang itaguyod ang rugby sa iba’t ibang bansa sa Asya.
Pinangungunahan ng team captain Kai Kristian Stroem at vice captain Craig Wallace ang powerhouse lineup na kinabibilangan nina Thomas Reyes, James Ryan, Lawrence Reboso, Kian Mulholland, Dylan Davies, Christopher Flores, Edlen Hernandez, Hamis Seddon, Vincent Young, Judd Greenhalgh, Ned Stephenson, Michael Blatchies, at Patrice Olivier.
Kasama rin sa team ang mga reserbang sina Fausto Eizmendi, Ken Mellorin, JM Cardenas, Mathew Bellenie, Connor Browne, Johnathan Greenwood, Kohei Mitsuhashi, at Jovan Masalunga.
Ginagabayan sila ng head coach Josh Sutcliffe, assistant coach Tommy Gilbert, team manager Lalaine Bacus, at physiotherapists na sina David Adamson at Jun Whei Cheah.
Matapos ang matagumpay na debut, asam ngayon ng Philippine Volcanoes ang makasaysayang kampanya sa finals upang sungkitin ang korona ng 2025 Unions Cup. (RON TOLENTINO)
