Pinaiigting ni Education Secretary Sonny Angara ang mga hakbang ng Department of Education (DepEd) para magkaroon ng permanenteng lote at bagong gusali ang Manuel Luis Quezon High School–Manila sa Sta. Cruz.
Ayon kay Angara, kinakailangang matugunan agad ang problema sa kasalukuyang pasilidad ng paaralan dahil naaapektuhan nito ang kaligtasan at kondisyon ng pag-aaral ng mga mag-aaral, gayundin ang pagtuturo ng mga guro.
“Our learners cannot focus and our teachers cannot teach effectively when basic needs such as clean, functioning restrooms and quiet, safe spaces are compromised,” ani Angara.
Sa isinagawang inspeksyon ng DepEd Education Facilities Division at Schools Division Office-Manila, natukoy na hindi na nakatutugon sa Minimum Performance Standards and Specifications ang kasalukuyang lokasyon ng paaralan dahil sa mga suliranin sa paligid at iba pang pangkapaligirang kondisyon.
Batay sa pagsusuri ng DepEd, ang pangunahing problema ay ang hindi angkop na lokasyon ng paaralan at ang agarang pangangailangan para sa relokasyon, sa halip na simpleng karagdagang mga silid-aralan lamang.
Sa ilalim ng direktiba ni Angara, isinama na ang Manuel Luis Quezon High School–Manila sa Public-Private Partnership School Infrastructure Project Phase III Package 2. May natukoy nang lote na nasa humigit-kumulang 200 metro mula sa kasalukuyang paaralan na maaaring pagtayuan ng bagong mid-rise school building.
Nakikipag-ugnayan na rin ang DepEd sa Manila local government unit para sa kinakailangang demolisyon sa lugar at iba pang proseso para maisakatuparan ang proyekto.
Sinusuri rin ng DepEd ang posibilidad na bumili ng lote sa tapat ng Lakan Dula Elementary School sa Tondo bilang alternatibong lugar para sa pagtatayo ng panibagong mid-rise school building na maaaring paglipatan ng Manuel Luis Quezon High School–Manila.
Ayon kay Angara, mahalaga ang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan upang mapabilis ang paghahanap ng angkop na lupang pagtatayuan ng paaralan.
“Finding suitable land in dense urban areas is always a challenge, but it is one we are actively solving through proper coordination,” ani Angara.
Habang hinihintay ang permanenteng relokasyon at konstruksyon ng bagong gusali, sinabi ng DepEd na naghahanap din ito, kasama ang Manila LGU, ng mga mauupahang pasilidad bilang pansamantalang solusyon upang makapagpatuloy nang ligtas ang pag-aaral ng mga estudyante.
“We are exploring every immediate option, including leasing arrangements, so that our learners can learn safely without risking their health and well-being,” ayon kay Angara. (PR)
